ZAMBOANGA CITY, Philippines– Patuloy na tinutugis ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Abu Sayyaf sa Patikul, Sulu, alinsunod sa mandato ni Pangulong Duterte na all-out offensive kontra bandidong grupo, kasunod ng naganap na pagsabog sa Jolo.
Ayon sa Western Mindanao Command (Westincom), nakabakbakan ng 1st Scout Ranger Batallion ang nasa dalawampung miyembro ng Ajang-Ajang group na nasa ilalim ni Abu Sayyaf Group (ASG) sub-leader Hatib Hajan Sawadjaan.
“This is after the airstrikes we conducted two days or three days ago, tuluy-tuloy ito eh. It’s been three days now, ‘yung airstrikes doon at saka artillery shelling. The same group ‘yan yung may napatay the other day, si Umal Usop,” ani Westincom spokesman Col. Gerry Besana.
Tumagal ang bakbakan ng limang minuto at agad na umatras ang mga kalaban.
Naniniwala ang AFP na kasama ng grupo ang pangunahing suspek sa pagpapasabog sa Sulu na si Kamahd.
Naka-sentro ngayon ang opensiba ng militar sa Patikul na kilalang teritoryo ng Abu Sayyaf.
Wala namang naiulat na nasaktan sa panig ng pamahalaan habang patuloy pa rin ang clearing operations upang malaman kung ilan ang casualty sa mga kalaban.
Tiniyak naman ng AFP na gagawin nila ang lahat para maiwasan ang collateral damage.
“It is our pledge to protect the rights of all Filipinos and all human being. ‘Pag may nagkakamali sa amin, kaso ang aabutin namin, and we do not tolerate any and any collateral damage,” pagsiguro ni Besana.
Tags: Abu Sayyaf, all-out offensive, Armed Forces of the Philippines, Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command, jolo, patikul sulu