Isinumite na ng MILF sa International Monitoring Team ang kanilang report sa nangyaring engkuwentro sa Mamasapano.
Binigyan rin nila ng kopya sina Sen. Grace Poe at Bongbong Marcos na unang humingi nito kaugnay ng Senate probe.
Sa report ng MILF Special Investigative Commission, iginiit nitong walang pananagutan ang Bangsamoro Islamic Armed Forces sa pagkamatay ng 44 SAF troopers, 17 MILF fighters at ilang sibilyan.
Sa halip, sinisi nito ang PNP-SAF dahil sa failure of coordination sa operasyong target ang mga teroristang sina Marwan at Basit Usman.
Sinabi rin sa report na hindi alam ng MILF na puwersa ng gobyerno ang pumasok sa kanilang lugar noong madaling araw ng January-25.
Ang SAF troopers din umano ang unang nagpaputok at gumanti lamang sila.
Nilabag rin umano ng PNP-SAF ang ceasefire agreement sa pagitan ng MILF at Gobyerno kaya’t dapat pa umano silang maghain ng protesta.
Gusto rin nilang paimbestigahan ang pananagutan ng SAF survivor na pumatay umano sa apat na MILF members na natutulog sa isang makeshift na mosque.
Kaugnay naman ng armas at personal na gamit ng SAF, naibalik na umano ng MILF ang lahat ng dapat ibalik.
Iginiit rin nilang hindi lang sila ang kumuha sa kagamitan ng SAF.
Muli rin nilang itinanggi na kinanlong nila sina Marwan at Usman at inaming nagkaroon sila ng failure of intelligence matapos mabigong ma-monitor na may nakapasok na terorista sa kanilang komunidad.
Sa kabila naman ng pagkakasangkot ng kanilang tauhan sa engkuwentro, nanawagan sila ng Internal Disciplinary Action alinsunod sa operational guidelines ng General Cessation of Hostilities.
Kasunod ng inilabas na report ng MILF, plano ni Sen. Marcos na ituloy ang pagdinig sa Bangsamoro Basic Law sa April 13. (Bryan de Paz/ UNTV News Senior Correspondent )
Tags: Bangsamoro Islamic Armed Forces, International Monitoring Team, SAF troopers, Sen. Grace Poe