Mga kandidato sa national position, hindi obligadong lumahok sa mga debate -COMELEC

by Radyo La Verdad | January 23, 2022 (Sunday) | 8642

METRO MANILA – Nilinaw ng Commission on Elections (COMELEC) na hindi obligadong sumali sa debate ang mga tumatakbo sa national positions.

Sa twitter post ni Comelec Spokesperson James Jimenez, hindi aniya obligado ang mga ito na lumahok sa mga debate ngunit marapat ding lahukan nila ang mga ganitong klaseng programa upang ipakita ang kanilang komitment sa taumbayan.

Ayon sa section 7.3 ng Republic Act 9006 o Fair Election Act, may kapangyarihan ang Comelec na utusan ang mga television at radio network na magdaos ng hindi bababa sa 3 debate para sa mga tumatakbo sa pagkapangulo at isang debate naman para sa mga tumatakbong pangalawang pangulo.

Ngunit dagdag ni Jimenez, hindi nila mapipilit ang mga kandidato na lumahok sa mga pampublikong debate dahil regular at natural na umano sa mga kandidato na sumama sa mga nasabing talakayan kung ang kasaysayan ng halalan sa bansa ang pagbabasehan.

(Jasha Gamao | La Verdad Correspondent)

Tags: , ,