Mga tauhan ng PNP HPG, muling ibabalik sa EDSA

by Radyo La Verdad | July 5, 2016 (Tuesday) | 9122

hpg
Nagbabala ang bagong pamunuan ng PNP Highway Patrol Group sa mga pulis na mahuhuling mangongotong sa motorista.
Ito ay kasunod ng pagbabalik muli ng pagmamando ng trapiko sa mga tauhan ng HPG.

Sa isinagawang accounting ng mga tauhan ng binuong Task Force EDSA, sinabi ni HPG Chief PSSupt. Antonio Gardiola na huhubaran ng uniporme ang hindi karapat dapat magsuot nito.

Iniutos din nito na alalayan ang mga pasahero mula probinsya na niloloko ng mga porter at taxi driver.

Payo naman ni PNP Chief PDG Ronald dela Rosa sa mga tauhan ng HPG, huwag magpasindak sa mga mayayamang motorista na lumalabag sa batas trapiko.

Dagdag pa ng hepe ng pambansang pulisya, dapat ay walang mangyaring krimen sa EDSA tulad ng kidnapping, hold up, snatching at shooting incident.

Samantala, ipinag-utos na ni General Dela Rosa na idestino sa Metro Manila ang mga tauhan ng HPG sa mga lalawigan na walang masyadong ginagawa upang tumulong sa pagmamando sa trapiko.

(Lea Ylagan/UNTV Radio)

Tags: ,