Mga tauhan ng PNP-AKG, isasalang sa mandarin training sa China

by Erika Endraca | August 27, 2019 (Tuesday) | 4268

MANILA, Philippines – Sisimulan na ng Philippine National Police (PNP) ngayong Setyembre ang Mandarin training para sa mga tauhan ng PNP-Anti Kidnaping Group (PNP-AKG).

3 AKG personnel muna ang ipadadala sa China para mag aral ng Mandarin. Ayon kay PNP AKG Spokesperson Plt.Col. Elmer Cereno, layon nitong matuto ang kanilang mga imbestigador ng mandarin lalo na’t puro chinese ang nagiging biktima ng kidnapping ngayon.

Makatitipid din aniya ang PNP AKG sa pagbabayad ng interpreter tuwing may nasasagip na biktima at may nahuhuling kidnappers na pare-parehong mga Chinese.

“Ito yung nagiging problema natin pag may mga nare-rescue tayong mga chinese saka pag may nahuhuli tayong kidnappers na chinese din kailangan muna nating humingi ng tulong sa mrdo o kayay mag- hire tayo ng interpreter para maimbestigahan at malaman kung ano talaga ang punot-dulo noong pagkidnap sa kanila at bakit sila kinidnap” ani PNP- AKG Spokesperson, PLt.Col. Elmer Cereno.

Sinabi pa ni Cereno na sagot ng Chinese Consul ang pag aaral ng mga pulis sa china bilang tulong sa PNP at tulong na rin sa kanilang mga kababayan. 20 pulis ang target na pag aralin ng AKG ng mandarin sa China.

“Hindi lang dito sa Camp Crame, magpapadala din kami ng mga manggagaling ng Visayas at Mindanao key office namin.” Ani PNP- AKG Spokesperson, PLt.Col. Elmer cereno.

Base sa datos ng PNP- AKG, nasa 56 na insidente na ng kidnapping ang kanilang naitatala simula 2017 hanggang 2019 kung saan 120 Chinese suspects na ang naaresto.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: ,