Mga tauhan ng MMDA, nakakakuha pa rin ng basura Manila Bay

by Radyo La Verdad | February 15, 2019 (Friday) | 13368

FILE PHOTO: Manila Bay sunset (Rogelio Neccessito Jr. / Photoville International)

MANILA, Philippines – Nakakakuha pa rin ng basura araw-araw ang mga tauhan ng MMDA sa Manila Bay.

Ayon kay Leonora Yadan, isa sa naatasan na maglinis sa Manila Bay, mga styrofoam, plastic at plastic bottles ang karamihan sa kanilang mga nakukuha. Sa kabila nito, mas kakaunti na lamang daw umano ang kanilang nakukuha kumpara sa noo’y truck-truck na basura na kanilang nakokolekta.

“Sa ngayon, naka-6 na plastic na po kami ngayong umaga, ngayong pag-akyat pa lang po namin naka-6 na plastic na kami.” aniya.

Samantala, ayon sa Laguna Lake Development Authority, patuloy pa rin ang kanilang ginagawang paglilinis hanggang sa maaari nang pagpaliguan o paglanguyan ang Manila Bay. Kasama nila umano ang Department of Environment and Natural Resources sa gawaing ito.

Sa kuha ng underwater drone ng UNTV, sari-saring dumi at basura ang nakita sa ilalim ng Manila Bay.

“I-ensure lang na hindi na mabubulabog ‘yung nasa ilalim kasi hindi natin alam kung may mga heavy metals na maaaring makapag-degrade lalo ng water quality ng Manila bay” pahayag ni Engr. Emiterio Hernandez, Deparment Manager ng LLDA.

Matatandaang ang LLDA ay isa rin sa naatasang mag-inspekayon sa mga establisyimento sa Pasay City at Maynila kung ito ba ay nakasusunod sa environmental laws.

“Kung mamo-monitor natin lahat ‘yan siguro mga 8,000 to 10,000 establishment ‘yung ini-expect natin , siguro pinakasafe natin na masabi mga 1/3 na yun ay may paglabag.” ayon pa rin kay Engr. Hernandez.

Ilan sa mga titingnan ng LLDA kung may sariling sewage treatment plant ang mga establisiyemento o direkta itong nagtatapon ng basura sa Manila Bay. Kung mapatutunayang may pag-labag, posibleng ipasara ang isang negosyo o anumang establishment.  

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: , , ,