Mga tauhan ng MMDA na nambugbog sa isang buko vendor, sinuspinde na

by Radyo La Verdad | March 6, 2018 (Tuesday) | 6622

Nakunan ng video kung paano pinagtulungang suntukin ng ilang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang buko vendor sa isinagawang clearing operations sa Pasay City noong Sabado.

Gaganti pa sana ng suntok ang vendor subalit dahil mas marami ang mga tauhan ng MMDA, hindi na siya nakapanlaban. Dahil sa insidente, sinuspinde ng MMDA ang tatlong tauhan nito na nakita sa viral video.

Paliwanag ni MMDA Assistant General Manager Jojo Garcia, pareho lang din aniyang nagkamali ang vendor at MMDA sa nangyaring insidente dahil nagbebenta sa iligal na lugar ang vendor at nanakit naman ang mga MMDA personnel.

Pakiusap ni Garcia , huwag idamay ang buong ahensiya sa kasalanan ng iilan.

Desidido naman ang buko vendor na si Romnick Relos, na sampahan ng reklamo ang mga nambugbog sa kaniya.

Ibabalik naman MMDA ang kariton ni Relos  at papalitan ang mga nasirang paninda nito.

 

( Rajel Adora / UNTV Correspondent )

Tags: , ,