Mga sasakyang ‘di pa makakasunod sa jeepney modernization sa Marso 2019, hindi aalisan ng prangkisa

by Radyo La Verdad | October 9, 2018 (Tuesday) | 5495

Naghain kahapon ng panukalang batas si Senator Bam Aquino na tinawag na PUV Modernization Bill.

Layon ng panukala na palawigin ng hanggang limang taon ang transition para sa implementasyon ng modernization program ng pamahalaan.

Sa pagdinig sa Senado, muling tinutulan ng transport sector ang programa na ito ng pamahalaan.

Bukod sa pagkwestiyon sa kalidad ng modernized jeep na ipapalit, hindi nila kakayanin ang buwanang bayad dito.

Nangako naman ang LTFRB na ikokonsidera ang hiling na ito ng ilang senador at maging ng transport sector.

Ayon kay LTRFB Chairman Martin Delgra, hindi muna nila babawian ng prangkisa ang mga jeepney operators na hindi makakasunod sa transition period sa Marso.

Bahagi ng transition program sa ilalim ng PUV modernization ng DOTr na pagdating dapat ng Marso 2019, kinakailangan na magkaroon ng kooperatiba ang mga jeepney operators.

Ayon sa chairperson ng Senate Committee on Public Services Grace Poe, tila hindi pa talaga handa ang pamahalaan sa modernization program.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,