Mga residente sa Marikina City, inihalintulad sa Ondoy ang naranasang baha noong Sabado

by Radyo La Verdad | August 13, 2018 (Monday) | 6935

Paglubog ng araw noong Sabado, mabilis na tumaas ang lebel ng tubig sa Marikina River na umabot sa mahigit 20 metro, hindi nalalayo sa 23 meters na naranasan noong manalasa ang Bagyong Ondoy noong 2009.

Ang mga residenteng na-trap sa kanilang bahay ay isa-isa nang ni-rescue. Maliban sa mga bahay, lumubog din sa baha ang mga sasakyan.

Takot ang naramdaman ng mga residente dahil naalala nila ang nangyari noong Bagyong Ondoy kung papaanong mabilis na tumaas ang tubig.

Umaga kahapon, unti-unti nang bumaba ang lebel ng tubig sa ilog at humupa na ang baha.

Naabutan namin ang pamilya Caorte na nililinis ang kanilang tindahan. Wala nang napakinabangan sa mga paninda nilang karne dahil lahat ng kanilang mga freezer ay lumubog sa baha.

Tinatayang aabot sa dalawandaang libong piso umano ang mga paninda nilang nasayang, pero hindi na daw ito alintana ni Aling Penny dahil ang malahaga daw ligtas at walang nasaktan sa kanyang pamilya.

70% ng Marikina City ang binaha kaya naman isinailalim na ito ng state of calamity.

Kagabi ay namahagi na rin ang pamahalaang lungsod ng mga DSWD relief pack sa mga naapektuhang residente.

Ginamit na rin ng pamahalaang lungsod ang kanilang mga tent para sa mga evacuees, ito daw ay para magkaroon ng privacy at makapagpahinga daw ng maayos ang mga residente.

Dalawa hanggang apat na pamilya ang magkakasama sa isang tent. Maliban sa mga covered court, ginawa na ring evacuaiton centers ang mga paaralan.

Binibigyan din ng libreng doxycycline ang mga nasa evacuation center para makaiwas sa leptospirosis.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,