Mga residente sa coastal area ng Baler, Aurora, sinimulan nang ilikas

by Radyo La Verdad | October 30, 2018 (Tuesday) | 2525

Ilan sa mga barangay sa Baler, Aurora tulad ng Barangay Sabang ang lumubog na sa baha kahapon dulot ng malakas na alon sa dagat na umaabot na sa residential area. Umabot ng lagpas tuhod ang lalim ng tubig. Dulot ito ng malakas na alon at sinabayan pa ng high tide ng dagat ng Baler.

Ayon sa mga residente, bihira nila itong maranasan maliban na lamang kapag may paparating na bagyo.

Dahil dito, nanawagan na ang mga lokal na opisyal sa residenteng nakatira sa dagat na boluntaryo nang lumikas.

Itinaas na sa red alert status ng lokal na pamahalaan ng Baler ang kanilang lugar.

Pansamantala munang ipinagbabawal ang paglangoy at surfing sa lugar habang hindi pa natatapos ang pananalasa ni Bagyong Rosita. Ngunit sa kabila nito, may ilan pa rin na hindi nagpapigil bagaman alam nilang delikado na ang surfing activities.

Alerto na rin ang rescue units at evacuation centers ng Baler dahil sa paparating na bagyo.

Kahapon, umabot sa nasa dalawampung pamilya ang nailikas at kasalukuyang nasa evacuation center na ng Baler.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,