Mga residente sa Calasiao, Pangasinan dumaraing na dahil sa sanhi ng pagbaha

by Radyo La Verdad | July 26, 2018 (Thursday) | 15894

Limang na araw na ang lumipas mula nang magsimula ang mga pagbaha sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa sama ng panahong dala ng sunod-sunod na bagyong pumasok sa bansa.

Kaya naman hirap na ang mga residente sa pagpapatuloy sa kanilang araw-araw na gawain tulad na lamang sa bayan ng Calasiao.

Si Mang Alex, napilitan lamang  lumabas ng bahay dahil naubusan na sila ng pagkain. Lakas loob niyang sinuong ang hanggang leeg na tubig gamit lamang ang inflatable square pillow.

Ang mga lumikas naman sa evacuation centers, hirap sa kanilang kalagayan dahil sa sobrang dami ng mga nagsisiksikang residente.

Ngunit ayon sa Department of Health (DOH), sapat pa naman ang kanilang gamot para sa mga evacuee.

Mayroon ding hygiene kit ang red cross para sa mga Bakwit at tinuruan nila ang mga bata ng tamang pangangalaga ng katawan upang hindi magkasakit.

Humihingi naman ng pang-unawa ang lokal na pamahalaan dahil hirap din sila na agarang maiparating tulong sa kanilang mga nasasakupan dahil sa lawak ng pinsala ng pagbaha.

 

( Bryan Lacanlale / UNTV Correspondent )

Tags: , ,