Sumuko sa PNP Counter Intelligence Task Force o CITF ang pitong pulis na sangkot sa kidnapping at extortion sa isang sibilyan. August 11 nang dukutin ng mga pulis ang isang sibiliyan sa Barangay Longos sa Malabon City.
Humingi umano ng isandaang libong piso ang mga suspek sa magulang ng biktima kapalit ang kalayaan nito. Agad namang humingi ng tulong ang mga magulang ng biktima sa CITF.
Isang joint operation ang isinagawa ng NPD at CITF subalit natunugan ito ng mga suspect.
Ngutin kinabukasan ay kusang sumuko ang mga suspek na natukoy na mga kawani ng Navotas PNP. Kabilang dito sina PO1 Emmanuel Benedict Alojacin, PO1 Mark Ryan Mones, PO2 Jonnel Barocaboc, PO3 Kenneth Loria, PO1 Christian Bondoc, PO1 Jack Rennert Etcubañas at PO2 Jessrald Pacinio.
Ayon kay CITF Director PSSUPT Jose Chiquito Malayo, patunay lamang ito na epektibo ang kanilang kampanya laban sa mga tiwaling pulis.
Samantala, sasampahan naman ng kasong kidnapping at physical injury ang pitong pulis.
(Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent)
Hindi na nakapalag ang MMDA traffic enforcer na si Jose Edu Badal ng arestuhin ng mga tauhan ng PNP Counter Intelligence Task Force dahil sa pangongotong sa hinuli nitong motorista sa Commonwealth Avenue na walang suot na helmet.
Ayon kay PNP-CITF Commander PSSupt. Romeo Caramat Jr. inaresto si Badal sa aktong tinatanggap ang isang libong piso mula sa biktima sa isang fastfood chain sa may Tandang Sora, Quezon City.
Ayon kay Caramat, mismong ang suspek umano ang nagsabi sa biktima na magbayad na lang kaysa matiketan at magbayad ng mas malaking multa.
Ayon kay Caramat, magsilbi nawang babala ang pagkakaaresto kay Badal sa ibang traffic law enforcers na may iligal na ginawa.
Pero depensa ni Badal, bukod sa walang suot na helmet, hindi rehistrado ang motorsiklo kaya dapat itong maimpound subalit nakiusap sa kaniya ang driver ng motor.
Ayon sa enforcer, natukso na rin siyang tanggapin ang alok dahil maysakit ang kaniyang anak.
Si Badal ay kakasuhan ng robbery extortion.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )
Tags: MMDA, PNP-CITF, traffic enforcer