Mga Pulis na inalis sa serbisyo dahil sa katiwalian, mahigit 2,000 na

by Radyo La Verdad | March 8, 2019 (Friday) | 8391

METRO MANILA, PHILIPPINES – Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na hindi nila kinukunsinti ang mga pulis na nasasangkot sa katiwalian.

Ayok kay PNP Spokesperson Col. Bernard Banac, mahigit 8,000 na ang napatawan ng disciplinary action mula ng maupo sa pwesto si Pangulong Duterte. Mahigit 2,000 sa mga ito ang inalis sa serbisyo kasama na ang mahigit 400 na sangkot sa kalakalan ng iligal na droga.

Ang pinakahuli sa nakasuhan na pulis ay si Police Corporal Anwar Nasser ng Pasay SDEU kasama ang tatlong iba pa dahil sa pangingikil sa nahuling drug suspect.

Gayundin si PO2 Marlou Quibete ng Distric Drug Enforcement Unit ng Eastern Police District na nanghingi din ng pera mula sa nahuling drug suspect pati na rin ang pitong pulis sa Las Piñas na sangkot naman sa kidnap for ransom.

Samantala, suspendido naman ang mahigit 4,000 pulis na nahaharap sa iba’t-ibang kasong administratibo. Karamihan dito ay mga non commisioned officer o may ranggong patrolman hanggang Police Executive Master Sergeant.

“Ang mga patrolman natin ang madalas na nasasangkot sa mga ilegal na gawain dahil sila ang may pinakamaraming bilang sa buong hanay ng PNP at sila ‘yung nakakalat sa buong komunidad sa lansangan at  direktang nakakasalamuha ng ating mga mamamayan kaya’t nandon lahat ang sitwasyon at impluwensya ng mabuti o masama ay nai encounter doon sa kanilang pagpapatrolya.” ani Col. Banac

Dagdag pa ni Banac, ang problemang ito ang dahilan kung bakit nais ng PNP na mailipat sa kanila ang training ng mga pulis mula sa Philippine Public Safety College. Nais nila umanong matutukan hindi lamang ang training kundi ang disiplina o values ng mga Pulis.

“Ang tinitingnan nating mga factors dito maliban sa training ay ‘yung mismong pag-uugali ng ating mga kasamahan na alam naman natin na ito ay na-form na o nabuo na prior pa man na pumasok sila sa PNP, kaya patuloy ang ating preventive programs sa pamamagitan ng counseling, leadership seminars, bible studies at iba- ibang programa para madevelop natin ang values at character ng pulis habang sila ay nasa serbisyo” paliwanag pa ni Banac.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: , ,