Mga police escort ng mga pulitiko at pribadong individual i-rerecall ng PSPG sa Enero

by Radyo La Verdad | October 12, 2018 (Friday) | 8647

Sa datos ng Police Security Protection Group (PSPG), isang daan at labing isang pulitiko ang may nakatalagang police escort. Siyam na pu’t walong pribadong indibidwal din ang may mga nakatalagang bantay na pulis.

Ayon kay PSPG Director Filmore Escobal, simula sa ika-13 ng Enero ang pagsisimula ng election period, i-rerecall o babawiin nila ang mahigit sa tatlong daang pulis na nakatalaga sa mga pulitiko at pribadong indibidwal. Karaniwan na itong ginagawa ng PNP kapag panahon na ng halalan. Ang mga marerecall na pulis ay gagamitin naman ng PNP sa pagbibigay seguridad sa 2019 midterm elections.

Ayon kay Escobal, kung nais ng mga ito na manatili ang kanilang police escort ay kailangan nilang humingi ng pahintulot sa Comelec. Dagdag pa ni Escobal, tanging ang mga otomatikong binibigyan ng police escort ang hindi tatanggalan ng bantay ngayong eleksyon.

Ang mga ito ay ang presidente, bise presidente, chief justice, senate president, Speaker of the House, Secretary of National Defense, Secretary of Interior and Local Government, Comelec chairman at commissioners, chief of staff of the Armed Forces of the Philippines, major service commanders, chief PNP at PNP senior officers.

Pagkatapos naman ng eleksyon sa ika-13 ng Mayo 2019 ay agad namang ibabalik sa kanila ang police escort ng mga ito.

Samantala, kinumpirma din ni Escobal na ibinalik na noong Sabado ang dalawang pulis escort ni Sen. Antonio Trillanes IV matapos na ipag-utos ni PNP Chief Oscar Albayalde.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,