Nakipagdayalogo kahapon ang mga grupo ng mga minero sa mga opisyal ng Cordillera Region at Benguet Province.
Ito ay kaugnay ng utos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ipatigil ang small scale mining sa Cordillera Region kasunod ng mga nangyaring landslide sa rehiyon na kumitil ng maraming buhay.
Simula sa ika-1 ng Oktubre, aarestuhin na ng pinagsanib na pwersa ng PNP, AFP, CIDG at NBI ang mga non-compliant small scale miners na patuloy na magsasagawa ng pagmimina.
Layon umano ng naturang stoppage order na maisaayos rin ang sistema ng small scale mining sa rehiyon.
Ngunit ang kwestiyon ng mga apektadong minero, nasaan na ang tulong ng pamahalaan kung simula sa ika-1 ng Oktubre ay mahigpit nang ipatutupad ang stoppage order ng DENR?
Ayon sa kay Benguet Small-Scale Miners Federation President Engineer Lomino Kaniteng, pinagsusumite pa lamang sila ng listahan ng mga minerong maaapektuhan ng pagsasara ng mga maliliit na minahan para sa ibibigay na tulong ng pamahalaan.
Nasa 20,000 miners ang nanganganib aniya na mawalan ng trabaho sa Benguet at hindi pa kasama rito ang ibang minero sa Cordillera Region. Idagdag pa rito ang mga maaapektuhang miyembro ng pamilya ng bawat minero.
Aapela ang grupo sa DENR na ikonsidera at pag-isipang mabuti ang utos nito na tuluyang pagbabawal sa small scale mining sa rehiyon.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )
Tags: Benguet Province, Cordillera Region, DENR