METRO MANILA, Philippines – Pinaghahandaan na ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong holiday season.
Ayon kay MIAA General Manager Eddie Monreal, inaasahan na ang pagdating sa bansa ng mga Overseas Filipino Worker at mga turista na magbabakasyon ngayong Disyembre. Kaugnay nito, muling nagpaalala ang MIAA na mag-ingat laban sa mga posibleng kawatan at masasamang loob na magsasamantala sa mga pasahero.
Paliwanag ni Monreal karaniwang nakikihalubilo ang mga kawatan sa public areas ng NAIA upang makahanap ng mabibiktima.
“Recently, may mga nahuli kaming snatchers worth of ₱120,000. May isa naman pong nahuli kami na almost ₱250,000. Na-resolve po ng ating kapulisan ‘yan,” pahayag ni General Manager Eddie Monreal, MIAA.
Tiniyak naman ng pamunuan ng nasabing ahensya na patuloy nilang ipinatutupad ang mahigpit na seguridad sa NAIA.
“Wag po silang makikinig sa mga taong hindi nila kakilala na trying to win their trust. Na kesyo kung anong ipadadala, ‘wag na ‘wag silang gagawa nun dahil baka masingitan tayo o ang ating dala-dala ay nakawin,” ani ni General Manager Monreal.
Ngunit hindi pa rin aniya maiiwasan na may mga pagkakataong makalulusot pa rin ang masasamang loob. Inabisuhan din ng MIAA ang mga pasahero na agad na makipag-ugnayan sa mga airline company sakaling mayroon silang nawawalang gamit o bagahe.
“Kung meron po silang nawawalang gamit, they feel that their bags are tampered, meron sa tingin nila nawawala ay timbangin kaagad, i-report sa airline. Nandiyan po ang mga kawani ng airline sa arrival, i-document kasi. Unang-una po hindi kawani ng MIAA ang humahawak sa mga bagahe, airline representative po ‘yan,” ayon pa kay Monreal.
Sa ngayon ay gumagamit na ng body cameras ang mga baggage handler ng MIAA. Ipinagbabawal na din ang pagsusuot ng mga ito ng damit na may bulsa at maging ang pagsusuot ng mga alahas upang maiwasan na maiugnay pa sa mga isyu ng nakawan sa NAIA.
Ulat ni Joan Nano / UNTV News