Mga opisyal ng Philippine Embassy sa New Delhi, bibisitahin

by Radyo La Verdad | October 8, 2018 (Monday) | 1744

Ngayong Huwebes ay bibisitahin nina Vice Consul JB Santos ng Philippine Embassy sa New Delhi at honorary consul sa Kina Kada ang 21 Filipino seafarers na stranded sa isang pantalan malapit sa Kina Kada, India.

Ito ay upang alamin ang kalagayan ng mga ito at ipaalam ang update sa gagawing repatriation process sa kanila.

Ang 21 seaman na ito ay unang humingi ng tulong sa UNTV noong nakaraang linggo dahil apat na buwan na mula ng abandunahin sila ng may-ari kumpanyang kanilang pinagtatrabahuhan at hindi rin pinapasweldo.

Nang ipaalam ng UNTV ang kalagayan ng mga ito sa Department of Foreign Affairs (DFA), sinabi ni Asec. Elmer Cato na agad na haharapin ang kaso ng mga seafarers.

Ayon kay Captain Alexander Apao, ang nangunguna sa mga seafarer, matapos umano na ipaalam ng UNTV sa DFA ang kanilang kalagayan ay tila na-pressure ang Evic Human Resources Management na kanilang ahensya. Agad na ibinigay ng ahensya ang ilang bahagi ng apat na buwang sweldo ng mga inabandonang seafarers.

Nang bisitahin ng UNTV News and Rescue Team ang opisina ng naturang recruitment agency, tumanggi na ang mga tauhan nito na humarap sa camera, ngunit ayon sa isa sa mga kinatawan ng kumpanya na nakabili na ng plane tiket para sa mga seaman.

Ngunit ayon kay Captain Apao, wala pa silang natatanggap na balita ukol dito.

Sa ngayon ayon kay Captain Apao, kanya-kanyang diskarte pa rin ang ginagawa ng mga seaman para maitawid ang pang araw-araw na pangangailangan.

Umaasa ang mga ito na sa lalong madaling panahon ay makakauwi na sila sa kanilang mga mahal sa buhay.

 

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,