Mga OFWs mula Qatar, sinalubong ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | December 8, 2017 (Friday) | 2741

Malaki ang pasasalamat sa pamahalaan ni Mang Dionisio David, isang Overseas Filipino Worker na sampung taon nang nagtatrabaho sa abroad.

Isa siya sa kulang 40 na OFW na personal na sinalubong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Clark International Airport sa Pampanga kagabi.

Tumanggap siya ng regalong appliance at naipagkaloob na rin ang kaniyang I-DOLE card na makatutulong para sa mas accessible na serbisyo para sa mga migrant worker. Naappreciate ani Mang Dionisio ang ginagawang ito ng pamahalaan para sa mga OFW na katulad niya.

Nasorpresa naman si Mang Felix, dahil isa siya sa walong OFW na tumanggap naman ng 50 libong pisong cash gift sa pamamagitan ng raffle. Aniya, magagamit niya ito pangtustos sa pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Samantalang ang ibang OFW naman ay tumanggap din ng mga regalong appliance at special tokens. Bahagi ito ng programa ng DOLE para sa mga balik-bayang OFW ngayong nalalapit na ang holiday season.

Inanyayaan naman ni Pangulong Duterte ang mga naturang OFW sa isang party sa Malakanyang. Nagpasalamat din ang punong ehekutibo dahil sa sakripisyo ng mga OFW para sa bansa.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,