Alas singko ng hapon kahapon ang cut off ng pagsusumite ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ng mga kumandidato noong May 14 barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Hindi na nagbigay ng extension ang Commission on Elections (Comelec) sa deadline.
Nakasaad sa Section 14 ng Republic Act 7166 o ang synchronized national and local elections na kailangang magsumite ng kanilang SOCE ang lahat ng mga kandidato sa loob ng 30 araw pagkatapos ng halalan, nanalo o natalo man ang mga ito.
Ayon kay Comelec Spokesperson Director James Jimenez, titiyakin nila na hindi makakaupo sa pwesto ang mga nanalong kandidato na hindi nagsumite ng SOCE.
Kahapon kahit na regular holiday dahil as pagdiriwang ng ika-120 Araw ng Kasarinlan ng bansa ay pinayagan pa rin ang mga ito na magsumite ng kanilang SOCE.
Nilinaw naman ni Dir. Jimenez na hindi pa rin ligtas ang mga kandidatong nagpasa na ng kanilang SOCE.
Kapag aniya napatunayan na lumampas ang mga ito sa campaign spending limit na limang piso bawat botante na itinatakda ng batas ay posibleng maharap ang mga ito sa disqualification charges.
Ilalabas ng Comelec ang listahan ng mga hindi nakapagsumite ng SOCE sa ikalawa o ikatlong linggo ng Hulyo.
Samantala, nakapag-umpisa na rin ang poll body na maghanda para sa 2019 senatorial elections.
Itatakda na rin ang voters registration sa Setyembre o Oktubre ngayong taon.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )
Tags: COMELEC, Dir. Jimenez, SOCE