Mga naarestong miyembro ng gun for hire sa QC at Isabela, ginagamit umano ng mga pulitiko – PNP

by Radyo La Verdad | November 13, 2018 (Tuesday) | 9519

Kinumpirma ni PNP Chief PDG Oscar Albayalde na ginagamit ng ilang incumbent politician at kandidato sa 2019 elections ang mga miyembro ng gun for hire group na nahuli ng PNP Anti-Kidnapping Group sa Quezon City at Isabela.

Ayon kay Albayalde, gobernador at alkalde ang karaniwang kumukuha ng serbisyo ng grupo na pinamumunuan ni Ricardo Peralta upang magsilbing proteksyon, ginagamit ring panakot at sa pagpatay sa kanilang mga kalaban sa pulitika.

Tumanggi naman si Albayalde na pangalanan ang mga pulitiko mula sa Nueva Ecija, Cagayan, Metro Manila, Bulacan at La Union at sa halip ay makikipag-ugnayan aniya sila sa DILG ukol dito.

Sinabi naman ni PNP-AKG Director PCSupt. Glen Dumlao, ang limang suspek ay nakuhanan ng matataas na kalibre ng baril, mga bala at granada.

Hinahanap pa naman ng AKG ang lider ng grupo na si Ricardo Peralta na may limang milyong pisong patong sa ulo mula sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) dahil sa iba’t-ibang kaso.

Sinabi pa ng PNP na bago ang eleksyon ay sisikapin nilang mahuli ang mga sindikato na ginagawang private armed groups ng mga pulitiko.

Samantala, patay din sa operasyon ng pulisya sa San Pablo, Laguna ang gun for hire at illegal drugs high value target na si Christopher Alain Alvero at dalawang iba pa sa pagsisilbi ng search warrant noong Sabado.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,