Mga menor de edad at senior citizens, pwedeng sumakay ng PUVs sa ilalim ng alert level 2 – MMDA

by Radyo La Verdad | November 9, 2021 (Tuesday) | 16280

Nitong Sabado sinabi ni Department of Transportation Assistant Secretary Manuel Gonzales na hindi pa pinapayagan ang mga menor de edad sa mga pampublikong transportasyon kahit pa ibinaba na sa Covid-19 alert level 2 ng National Capital Region at itinaas naman sa 70% capacity ang public transportation. Ito ay kahit pa may kasamang magulang o guardian ang mga bata.

“For the past 2 days pinagbabawal po ng i-ACT na mga enforcer natin na magdala ng bata, na magsakay kasi po wala pa namang guidelines dito ang ating pamunuan sa transportasyon. Yung mga senior o kaya APOR na may dalang bata po hindi po namin pinasasakay dahil bawal pa nga po yung mga bata for the past few days na inimplement namin ‘tong 70% po,” ani Manuel Gonzales

DOTR, i-ACT Task Force Chief.

Pero nitong linggo, nilinaw ni Metropolitan Manila Development Authority Chairman Benhur Abalos, Jr., na batay sa guidelines ng Inter Aagency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ay pinapayagan na ang mga menor de edad sa pampublikong sasakyan.

Gayundin sa resolusyong inaprubahan ng Metro Manila Council. Kailangan lamang na mayroong kasamang magulang o guardian ang mga menor de eddad.

Ayon pa kay Chairman Abalos, maging ang mga senior citizen ay hindi rin pinipigilan sa pagsakay sa mga public transportation sa ilalim ng alert level 2 restriction.

“Miscommunication lang ‘to with i-ACT, allowed pa rin ang minors at senior citizens as public utility vehicles are concern,” ayon kay Atty. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., Chairman, MMDA.

Paalala ng MMDA na huwag lamang magsisiksikan sa mga pampublikong sasakyan upang maiwasan ang hawaan ng Covid-19 at tuluyan pang lumuwag ang Covid-19 restriction sa bansa.

Samantala, sa kabila naman ng unti-unting pagtataas ng capacity sa mga public transportation, nais ng DTOR na bigyang diin ang mahigpit na pagsunod sa kanilang ipinatutupad na 7 commandments para sa mga commuter.

Kabilang dito ang palagiang pagsusuot ng face shield at face mask, pagbabawal kumain sa public transport upang hindi ibaba ang mask, pagbabawal makipag-usap sa cellphone na nakababa ang mask, at pagsunod sa physical distancing.

JP Nuñez | UNTV News

Tags: , ,