Mga mahihirap, mas malaki ang babayarang buwis sa ilalim ng bagong tax reform – IBON

by Radyo La Verdad | July 31, 2017 (Monday) | 2461


Mas magpapabigat umano sa mga mahihirap ang bagong reporma sa pagbubuwis na inaasahan ng pamahalaan na maipapasa sa Kongreso ngayong taon.

Ayon sa research group na IBON, itinatago lamang ng Department of Finance ang tunay na epekto ng tax reform package kung saan mas makikinabang ang mga mayayaman. Sa komputasyon nito, ang 60% ng mga mahihirap na pilipino ay magbabayad ng mas malaking buwis kumpara sa 40% ng mga kumikita ng malaki.

Sa 2018, tinatayang nasa P32.9B ang babayaran na dagdag na buwis ng mahihirap o 1.6% ng kabuoang kita ng kanilang pamilya.

Kumpara sa P14.7B additional taxes na babayaran ng mga may mataas na sweldo o 0.4% ng kanilang total family income. Kaunti lang din anila ang madaragdag na buwis sa high-income group.

P154.8B ang makokolekta ng pamahalaan sa kanila dahil sa dagdag na mga buwis sa VAT, petroleum at mga sasakyan ngunit P140.1B naman ang mababawas sa kanilang personal income, estate at donor taxes.

Kumpara sa mga mahihirap na magbabayad ng dagdag na P32.9B para sa VAT at petroleum taxes subalit hindi naman mababawasan ang personal income tax dahil exempted o dati nang hindi pinagbabayad.

Ayon sa grupo, mas malaki sana ang makukuhang buwis ng pamahalaan kung istrikto lamang ito sa pangongolekta.

(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)

Tags: , ,