Mga Lumad at tagasuporta, nagprotesta sa DOJ upang manawagan ng hustisya para sa mga pinaslang na lider

by Radyo La Verdad | November 6, 2015 (Friday) | 2290

LUMAD
Muling dumulog sa a ang mga Lumad kasama ang Grupong Karapatan upang manawagan ng hustisya para sa mga pinaslang na lider ng mga katutubo.

Dalawang buwan na ang nakalipas nang patayin ang mga lider ng lumad na sina Dionel Campos at Bello Sinzo ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin naaresto ang mga salarin.

Ayon sa Grupong Karapatan, kinumpirma ng DOJ nitong nakaraang martes na may arrest warrant na laban sa mga suspek na myembro ng armadong grupong Magahat/Bagani.

Ang problema, ayon sa DOJ hindi mahanap ng mga pulis ang mga salarin.

Sa kabila naman ng krisis, ayon sa isang Higaonon Chief sa Misamis Oriental, tuloy pa rin ang recruitment ng mga armadong grupo sa mga Lumad

Ang iba aniya sa mga Lumad, napipilitan na lamang sumali sa rebeldeng grupo upang maipagtanggol ang kanilang sarili at ang lupang ninuno sa patuloy na karahasan at paglabag sa karapatang pantao.

Batay naman sa inilabas na ulat ng Commission on Human Rights, parehong nakakagawa ng paglabag sa karapatang pantao ang mga rebelde at mga sundalo ng gobyerno.

Para sa mga Lumad at kanilang tagasuporta, masosolusyonan lamang ang krisis kung bubuwagin ang mga armadong grupo sa kanilang mga komunidad at kikilalanin ng pamahalaan ang kanilang karapatan sa lupang ninuno.

Dapat din anilang ituloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at mga rebelde dahil sila ang naiipit sa armadong sagupaan ng magkabilang panig. (Roderic Mendoza/UNTV News)

Tags: ,