Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga residente ng Biliran at Leyte, Leyte na huwag munang kakain at kukuha ng mga shellfish at acetes o alamang.
Ito ay dahil nagpositibo sa redtide toxin ang mga karagatang sakop ng probinsya ng Biliran at munisipyo ng Leyte sa probinsiya ng Leyte.
Ayon kay BFAR Assistant Regional Director Justerie Granali, isa umano sa pangunahing nakakapagsisimula ng pagbloom ng dinoflagellate na nagdadala ng redtide toxin ay ang pabago bagong klima dito sa rehiyon.
Ayon sa opisyal, pwede naman umanong manghuli at kumain ng isda, pusit at alimasag, tiyakin lamang umano na malilinisan ng maayos ang mga ito.
Samantala, paalala naman ng BFAR sa ating mga kababayan na huwag ipagwalang bahala ang mga ganitong babala dahil delikado sa kalusugan ng tao kapag nakakain ng mga lamang dagat na may red tide toxins.
Maaari itong maging sanhi ng respiratory irritation at minsan ay nakamamatay.
( Archyl Egano / UNTV Correspondent )
Tags: BFAR, LEYTE, redtide toxins