Aalisan na ng security detail ang mga opisyal ng gobyerno na tatakbo sa 2016 elections.
Ayon kay Police Security Protections Group P/Supt. Rogelio Simon, sa January 10 ay otomatikong tatanggalan na ang mga ito ng mga security aide.
Aniya, nagpadala na sila ng sulat sa mga pulitiko at opisyal ng gobyerno na muling kakandidato na hanggang January 9 na lamang ang duty ng mga pulis na nagsilbing security detail ng mga ito.
Maging ang presidente, bise presidente, senate president, speaker of the house, mga senador, congressman, justices, chief PNP at AFP chief of staff ay tatanggalan din ng security detail kung tatakbo ang mga ito sa halalan.
Sinabi pa ni Simon, ang COMELEC na ang may otoridad na mag apruba sa mga hihilinging security aide ng mga kandidato na may banta sa buhay.
Subalit sa kasalukuyan aniya ay wala pa silang natatanggap na request mula sa COMELEC hinggil sa kung sinong kandidato ang inaprubahan nilang bigyan ng security detail.
Dagdag ni Simon tinatayang nasa mahigit 200 tauhan ng PSPG ang mare- recall nila mula sa mga kandidato.
Ang mga ito aniya ay idedeploy naman nila bilang augmentation force sa mga pulis na magbabantay sa halalan o maaaring ilagay sa diplomatic duty at posible ding manatili sa PSPG headquarters.
Layon nito ayon kay Simon na mapanatiling non partisan ang mga miyembro ng PSPG.
(Lea Ylagan/UNTV Correspondent)
Tags: January 10, Mga kandidato, Police Security Protection Group, security detail