Mga kandidato ng LP at iba pang kaalyado ng administrasyon, naghain na ng kandidatura sa pagka-senador

by Radyo La Verdad | October 16, 2018 (Tuesday) | 12271

Ngayon na ang ika-4 na araw ng filing ng certificate of candidacy (COC) para sa mga tatakbo bilang senador sa 2019 midterm elections. Unang dumating ngayong araw ang dating senador at stalwart ng Liberal Party (LP) na si Mar Roxas.

Ayon sa kaniya, hindi madali ang kaniyang naging desisyon na bumalik sa pulitika mula sa pribadong buhay. Sumunod rin na naghain ang kapartido ni Roxas na sina Senator Bam Aquino, Human Rights Lawyer-Attorney Jose Manuel Diokno at former Congressman Erin Tañada.

Tututukan naman ni Tañada ang problema sa kahirapan at ang kaniyang adbokasiya na pagtulong sa mga mahihirap na magsasaka. Kilala si Tañada bilang si Mr. FOI dahil sa pagsusulong ng freedom of information.

Naghain rin ng kaniyang COC si Taguig City Representative Pia Cayetano. Kilala rin siya bilang health at environment advocate ang dati na ring naging senador.

Kasama naman ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos ang kaniyang kapatid na dating Senator Bongbong Marcos sa paghahain ng COC. Naniniwala si Imee na kayang harapin ngayon ng pamilya Marcos ang mga hamon at kritisismo sa kanila.

Si dating Senator Jinggoy Estrada, kasama ang amang si Manila Mayor Joseph Estrada. Hindi naniniwala si Jinggoy na magkakaroon sila ng hatian ng boto ng kaniyang kapatid na si JV Ejercito.

Ipinakilala naman ng Katipunan Party ang kanilang 13 senatorial slate. Pinangungunahan naman ito ng dating Consultative Committee Spokesman Ding Generoso.

Hindi naman nagpahuli ang iba pa nating kababayan na nais ring tumakbo bilang senador. Iba-iba ang kanilang plano para sa bansa at mga nais magawa kapag naupo na sila bilang mga mambabatas.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,