Nasa mahigit isang daan at animnapu na ang mga kandidato na nabigyan ng police escorts, halos tatlumpong araw bago ang eleksiyon.
Ayon kay Police Security and Protection Group Spokesperson P/Supt. Rogelio Simon, sa 332 na nag apply, 50% o 166 na dito ang naaprubahan.
Mas malaki ito kumpara sa 149 na naaprubahan noong isang buwan.
Kabilang sa 166 na naaprubahan ang 3 presidentiables, 3 vice presidentiables at mahigit sa 5 na senatoriables.
Sa nasabing bilang, naglaan aniya sila ng may 307 na police escorts o may maximum na dalawang police escorts kada kandidato.
Sinabi pa ni Simon na inaasahan pa nilang madadagdagan ang 166 dahil patuloy pa ang ginagawang assessment ng COMELEC sa mga aplikante.
Nagiging mabagal lamang aniya ang proseso dahil maraming requirements ang kailangan ng isang aplikante at abala rin ang COMELEC sa pag aapruba sa ibang aplikasyon kabilang na ang permit sa pagdadala ng baril.
Sinabi ni Simon na sa katunayan ay nasa 1800 na tauhan ang inilaan nila para magduty ngayong halalan kabilang na ang mga nakatalaga sa COMELEC hub.
(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)
Tags: Mga kandidato, police escort