Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na ulitin ang kaniyang bilin sa mga miyembro ng kaniyang gabinete. Partikular na ang hindi pag-entertain sa anomang pakiusap ng sinoman sa kaniyang mga kamag-anak kung ito’y may kaugnayan sa anomang transaksyon sa pamahalaan.
Samantala, di natuloy si Secretary Roque sa pag-aanunsyo ng opisyal ng pamahalaan na gustong alisin sa pwesto ng punong ehekutibo. Wala namang ibinigay na dahilan si Sec. Roque kung bakit ipinagpaliban ng Pangulo ang pagsibak sa naturang opisyal.
Kasalukuyan din aniyang pinag-aaralan ni Pangulong Duterte ang batas na bumuo sa ahensyang pinamumunuan ng opisyal. Itinanggi naman ni Roque na opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office o ng Maritime Industry Authority ang tinutukoy nito.
Dahil ito sa kasalukuyang nahaharap sa kontrobersya ang pamunuan ng PCSO dahil umano sa maluhong party nito noong Disyembre samantalang alegasyon ng junkets naman ang sa MARINA administrator.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: kamag-anak, Pamahalaan, Pangulong Duterte