Mga kailangan para sa COC filing ng mga kandidato bukas, nakalatag na – Comelec

by Radyo La Verdad | October 10, 2018 (Wednesday) | 2117

Naka-ayos at kaunti na lang ang inihahanda ngayon ng Commission on Elections (Comelec) sa third floor ng Palacio Del Gobernador para sa pagsisimula ng filing of certificate of candidacy (COC) bukas.

Mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon ang filing ng COC na magtatagal hanggang ika-17 ng Oktubre maliban sa araw ng Sabado at Linggo.

Naka-set up na ang 3rd floor ng Palacio para tanggapin ang COC ng mga tatakbong senador at sa 8th floor naman ang mga party-list.

Ayon kay Comelec Spokesperson Dir. James Jimemez, inaasahan ng poll body na may malalaking personalidad na na magsusumite ng kanilang kandidatura bukas.

Binigyang-diin ng Comelec na ipatutupad nila ang maayos, ligtas at dignified na COC filing. Kaya paalala nila sa mga kakandidato, huwag nang magsama ng napakaraming tagasuporta.

Lilimitahan din ng poll body ang mga tagasuporta ng mga senatorial bets at mga party-list na papayagang makakapasok sa Palacio Del Gobernador para sa filing ng COC.

Bibigyan din ng pagkakataon ang mga kandidato na makapanayam ng media pagkatapos ng filing.

Paalala naman ng Comelec sa mga botante, ngayon pa lang ay gawin na ang matalinong pagpili ng mga kandidatong kanilang iboboto at abangan ang kanilang mga plataporma bago ang May 13, 2019 midterm elections.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,