Mga kaanak ng pinatay na 14 anyos na si Reynaldo De Guzman, humihingi ng hustisya

by Radyo La Verdad | September 8, 2017 (Friday) | 3242

Naging emosyonal ang ama ni Reynaldo De Guzman o si Kulot sa sinapit ng kanyang anak nang dumating ang mga labi nito kahapon dito sa barangay San Andres sa may Cainta Rizal upang iburol. Gayon din ang kapatid nitong si Mon lalo pa’t hindi na niya makikita ang palakaibigan at palangiting kapatid.

Nais ng pamilya na maparusahan ang gumawa ng karumaldumal na pagpatay sa binatilyo. Ayon sa pagsusuri ng medico legal ng Public Attorney’s Office unang tatlong saksak sa dibdib ang pumatay kay Reynaldo.

Subalit ang ipinagtataka ng mga ito ay bakit tinadtad pa ito ng saksak na umabot sa dalawampu’t walo. May nakitang saksak sa kaliwang braso ng bata, senyales daw na sinalag nito ang kutsilyo ng suspect.

Subalit ng suriing mabuti ng PAO, sinadyang lagyan daw ng sugat ang braso ni Reynaldo noong siya ay patay na. Kaduda-duda rin na itinapon sa ilog ang biktima, malinaw umano na nais ng suspect na iligaw ang mga imbestigador sa pagkamatay ng bata. Dahil dito plano ng PAO na magsampa ng kasong double murder.

 

(Makcy Libradilla / UNTV Correspondent)

Tags: , ,