Mga establisyimento sa tabi ng Ilog Pasig, ininspeksyun ng Pasig River Rehab Center at Laguna Lake Development Authority

by Radyo La Verdad | January 9, 2018 (Tuesday) | 4342

Agarang ipasasara ng Pasig River Rehabilitation Commission at Laguna Lake Development Authority o LLDA ang mga kumpanya at establisyimentong lumalabag sa RA 3931 o ang Pollution Control Law.

Magkatuwang ang dalawang ahensya ng pamahalaan sa pagpapatupad sa batas at pagpaparusa sa mga violator sa bisa ng memorandum of cooperation na nilagdaan nila noong December 21,2017.

Kahapon, nag-ikot ang mga tauhan ng PRRC at LLDA sa mga establisiyementong nakatayo malapit sa Ilog Pasig.

Kasama sa kanilang ininspeksyon ang Zen Towers Corporation at ang Gotesco Regency Twin Towers sa Maynila na napaulat na lumalabag sa batas.

Ayon kay PRRC Executive Director Jose Antonio Goitia, magpapadala sila ng mga tauhan sa mga naturang gusali upang kumuha ng liquid sample mula sa sewage nito.

Sinabi naman kay LLDA General Manager Jaime Medina na kapag napatunayang contaminated ang tubig na lumalabas mula sa drainage at direktang inilalabas sa Ilog Pasig, hindi magdadalawang-isip ang mga otoridad na ipasara at ipatigil ang operasyon ng mga ito.

Sa tala ng PRRC may 1,176 na mga kumpanya at estblisimento sa paligid ng makasaysayang Ilog Pasig ang may violations.

Ipapalimbag din aniya ng mga otoridad sa pahayagan ang mga lumalabag sa enviromental laws sa bansa upang huwag pamarisan ng iba.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,