Mga dating opisyal ng PNP-SAF, humarap sa pagdinig ng Senado kaugnay sa SAF allowance anomaly

by Radyo La Verdad | May 22, 2018 (Tuesday) | 8536

Humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang mga dating opisyal ng PNP-Special Action Force.

Ang imbestigasyon ay kaugnayan sa hindi naibigay na daily subsistence allowance ng SAF members na umabot sa 58 milyong piso.

Apat na libong SAF members ang dapat ay nakatatanggap ng additional subsistence allowance na 30 piso kada araw o 900 piso kada buwan.

Pero ayon kay Committee Chairman Senator Panfilo Lacson,  batay sa record, nabigyan lamang sila ng allowance noong Enero 2016 hanggang Hulyo 2017.

Depensa ni dating SAF Director Benjamin Lusad, ipinagkatiwala niya ang pangangasiwa sa pondo kay Police Superintendent Andre Dizon na siyang budget officer noon ng SAF.

Ayon naman kay Dizon, nitong Mayo ay naibigay na ang additional subsistence allowance na hindi naipamahagi noong 2016 at 2017 na umabot sa 37 milyong piso.

Ang ibang pondo naman ay inilaan aniya para sa pagkain ng 400 SAF commandos na nagbabantay sa bilibid.

Aminado si Dizon na nabinbin sa kaniya ang pondo kung kaya’t dito na siya nakuwestiyon ni Senator Lacson.

Ayon kay dating PNP Chief Ronald Bato Dela Rosa, nalaman lamang niya ang problemang ito, ilang linggo bago siya bumaba sa pwesto. Kwestiyon rin aniya sa kaniya ang pagkaantala ng paglalabas ng subsistence allowance.

Sa susunod na pagdinig, pinagsusumite ng komite ng detalye ang PNP officials tungkol sa inilabas na pondo para sa subsistence allowance at hazardous pay ng SAF troopers.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,