Mga damit at sapatos na nasabat ng BOC, ipamimigay sa mga nasalanta ng Bagyong Ompong

by Radyo La Verdad | October 16, 2018 (Tuesday) | 5216

Opisyal nang naiturn-over ng Bureau of Customs (BOC) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga damit, kumot at sapatos na nasabat ng ahensya sa mga pantalan sa bansa. Ang mga naturang gamit ay ipamimigay sa mga nasalanta ng Bagyong Ompong.

Ang hakbang ay batay na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na layong matulungan ang mahihirap nating kababayan at mapakibangan ang mga produktong iligal na ipinasok sa bansa. Pawang mga second hand ang damit na ipamamahagi ng BOC at DSWD.

Sa ilalim ng Republic Act 4653, ipinagbabawal  ang pagdo-donate ng mga second hand na damit. Pero ayon sa BOC, maari pa rin namang ipamigay ang mga ito sa bisa ng deed of donation.

Subalit kinakailangan na dumaan muna ang mga ito sa disinfection upang maiwasan ang anomang panganib na maaring idulot sa kalusugan ng taong tatanggap nito.

Kabilang sa mga ipamamahagi ang 32 bales ng second hand na damit, 5 bales ng bagong tshirt, at 32 kahon ng nga bagong sapatos.

Ito na ang ika-6 na beses na nagdonate ang BOC ng mga nasabat na item sa DSWD.

Bukod sa mga damit at sapatos dati na ring namahagi ng bigas at iba pang food items para sa mga kababayan natin na biktima ng kalamidad.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: ,