Mga botante, maaari na muling magparehistro hanggang September 30

by Erika Endraca | August 2, 2019 (Friday) | 12308

MANILA, Philippines – Bukas na muli ang mga opisina ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga botanteng magpaparehistro simula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, Lunes hanggang Sabado. Tatagal ang voter registration hanggang sa September 30.

Ayon sa COMELEC, tuloy ang kanilang voter registration kahit pa sinabi ng pangulo na gusto nitong ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataang (SK) elections sa October 2022.

“Obviously hindi kami pwedeng mag-stop ng preparations natin. Pero always in the back of our minds we’re proofing our procedures that in case lumabas iyong postponement everything slows down a little bit until we finally get the law passed and signed by the president.” ani COMELEC Spokesperson Director  James Jimenez.

Dalawang milyong botante ang inaasahan ng COMELEC na magpaparehistro. Samantala para sa mga first time voters, kailangang magdala ng birth certificate para makapagparehistro.

Ayon pa sa ahensya, hindi na kailangang magparehistro ng panibago ang mga nagparehistro na sa SK elections dahil otomatiko na silang madaragdag sa voter’s list pagsapit nila ng 18-taong gulang.

Pero dapat magpa-reactivate ang mga botanteng dalawang beses nang hindi nakakaboto sa nakaraang mga halalan.

“Just to clarify kapag na-deactivate ka hindi ibig sabihin tanggal ka sa listahan, iba iyon. Ibig sabihin nasa listahan ka pero iyong status mo inactive.” ani COMELEC Spokesperson Director  James Jimenez.

Panawagan din ng COMELEC, sa mga may kaanak na pumanaw na, dalhin sa kanila ang death certificate ng mga ito upang maalis na sa listahan ng mga botante.

(Aiko Miguel | Untv News)

Tags: ,