METRO MANILA – Magpapatupad ang gobyerno ng Pilipinas ng travel restriction sa lahat ng mga biyaherong manggagaling sa India simula April 29 – May 14, 2021 dahil sa matinding COVID-19 surge at bagong COVID-19 variant na natukoy sa nasabing bansa.
Ibig sabihin, bawal munang makapasok sa Pilipinas ang lahat ng mga pasahero, foreigner o mga Pilipino manggagaling sa India sa mga nasabing petsa.
“Inaprubahan po ng ating Presidente ang rekomendasyon po ng IATF na i-ban ang lahat ng pasahero kasama po ang mga Pilipino na galing po sa India. Ang ban po ay magiging epektibo mula, ala-una ng umaga April 29, 2021 hanggang May 14, 2021” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Samantala, ang mga pasahero namang galing ng India at nagbibiyahe na bago ang April 29, maaari pa ring makapasok ng Pilipinas subalit kinakailangang sumailalim sa istriktong quarantine at testing protocols.
Posibleng mapalawig ang travel ban sa ibang bansang may ulat ng bagong Coronavirus strain depende sa rekomendasyon ng Department Of Health (DOH) at the Department of Foreign Affairs (DFA).
“Yung mga restrictions po sa mga biyaherong galing sa ibang bansa na mayroon na rin pong variant na galing po sa India ay pwede pong maimpose ng Office of the President upon the joint recommendation of the Department Of Health and the Department of Foreign Affairs.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Ang Department of Transportation naman ang inatasan ng Inter-Agency Task Force Against COVID-19 na magtiyak na walang mga biyaherong galing sa India ang maisasakay ng mga airlines.
(Rosalie Coz | UNTV News)