Mga biyahero, dagsa na rin sa Batangas port ngayong araw

by monaliza | March 30, 2015 (Monday) | 1589

pasahero

Ramdam na sa Batangas port ang pagdating ng maraming pasahero na uuwi sa kani-kanilang mga probinsya para samantalahin ang long holiday.

Sa tala ng Philippine Coast Guard-Batangas, simula noong Sabado ay tinatayang aabot na sa 6,000 ang bilang ng mga dumagsang pasahero.

Posibleng magpatuloy ito ngayong araw ngunit sa Miyerkules o Huwebes nila inaasahan ang malaking bulto ng mga pasahero kung kailan wala nang pasok ang ating mga kababayan dahil sa holiday.

Tiniyak naman ng Coast Guard na naka-alerto na sila para sa “Oplan Ligtas Biyahe” at handa silang magbigay ng ayuda sa mga pasaherong mangangailangan nito.

Paalala naman nila sa mga pasahero na huwag magdadala ng mga ipinagbabawal na bagay gaya ng matutulis at matatalim na bagay, baril at iba pa upang huwag magka-aberya sa check-in at boarding.

Payo rin nila sa mga pasahero na sumunod sa mga panuntunan ng pantalan upang maka-iwas sa abala.(Vincent Octavio/UNTV Batangas)

Tags: , ,