Mga batang may special needs, muling nagtagisan ng talino at talento sa Miss Possibilities 2018

by Radyo La Verdad | November 12, 2018 (Monday) | 3917

Muling nagtagisan ng kanilang talino at talento ang mga batang may special needs sa ginanap na Miss Possibilities 2018.

Ang Miss Possibilities ang kauna-unahang pageant sa Asya na binuo upang bigyang pagkakataon ang mga batang may down syndrome at kapansanan na ipamalas ang kanilang talino at mga talento.

Labing dalawang mga kandidata ang nagpasiklaban sa pag-awit, humataw sa pagsayaw at nagpamalas ng husay sa pagrampa sa entablado. Tulad ng isang pangkaraniwang beauty pageant, hindi rin nawala ang tagisan ng talino sa question and answer portion.

Isa rin sa mga naging highlight ng event ang fashion show ng 30 pang mga bata na may special needs kasama ang ilang personalidad.

Kabilang dito ang ating mga kasangbahay na sina Diego Castro at Angela Lagunzad.

Itinanghal naman na Miss Possibilities 2018 si Pia Caballero dahil sa kanyang natatanging charisma na bumihag sa mga hurado.

Ito na ang ikatlong taon ng Miss Possibilities at umaasa ang foundation na sa pamamagitan ng ganitong mga event ay mas lalawak pa ang kaalaman ng publiko upang tanggapin at bigyang halaga ang mga batang may espesyal na kalagayan.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,