Mga batang kalsada sa Caloocan at Antipolo, hinasa sa sports para maiiwas sa mga bisyo

by Radyo La Verdad | December 3, 2018 (Monday) | 15184

Mula sa dating buhay na walang direksyon at pagpapagala-gala lamang sa kalsada, ito na ngayon ang mga street children na ito mula sa Caloocan at Antipolo.

Ang mga kabataang ito ay hinasa sa football sa ilalim ng programa na binuo ng dalawang misyonaryo mula sa Argentina at Brazil na naka-base na dito sa Pilipinas.

At sa kauna-unahang pagkakataon ay isinagawa ang Argentina and Brazil o A & B Cup na bahagi rin ng program noong Sabado.

Dito naglalaban ang ilang koponan na binubuo ng mga street children at ilan pang mga kabataang Argentinian at Brazilian. Mayroon itong tatlong kategorya base sa edad.

Pangunahing layunin ng A & B Cup na maialis sa lansangan at maiiwas sa mga bisyo ang mga kabataan sa pamamagitan ng sports.

Sa ganitong paraan ay mabibigyang-daan din na matutunan ng mga ito ang laro para maging propesyon nila balang-araw.

Para sa bagong talagang ambassador ng Argentina sa Pilipinas na si Jose Nestor Ureta, mahalaga ang mga ganitong aktibidad hindi lang upang mas mapalaganap ang sports kundi para makatulong sa mga mahihirap na kabataan.

Umaasa naman ang ambassador ng Brazil na makakatulong ang larong ito para magbigay ng inspirasyon sa mga kabataan at ma-develop ang kanilang mga personalidad.

Isa naman sa mga nagwagi ang grupo ni Mico sa second category.

Ayon kay Mico, hindi niya makakalimutan ang karanasan at naging mga kaibigan dahil sa programa.

Bukod sa Caloocan at Antipolo, plano ng mga organizer ng event na madala rin sa ibang lugar pa sa Pilipinas ang kanilang adbokasiya.

 

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,