Mga Alkalde na posibleng masuspinde, dedesisyunan ng DILG matapos ang validation report

by Radyo La Verdad | October 3, 2019 (Thursday) | 10653

Matapos ang ibinabang 60-day deadline sa paglilinis at pagbawi ng mga kalsadang pagmamayari ng pamahalaan, muling nagkaharap-harap ang mga Alkalde ng Metro Manila, mga opisyal ng MMDA at Department of the Interior and Local Government sa isinagawang Metro Manila Council Meeting.

Kumpiyansa ang mga Mayor ng Metro Manila na makapapasa sila sa evaluation ng DILG. Pero wala anilang makakuha ng perfect score dahil may mga pagkakataon na hindi pa rin maiiwasan na may mga pasaway sa kanilang lungsod.

“Basta kami ginawa namin ang trabaho namin ginawa namin ang dapat kaya very confident kami na makakapasa kami,” ani Caloocan City Mayor Oca Malapitan.

“You cannot expect 100 percent bakit kasi kunwari movable na sasakyan o motorsiklo alam naman natin na may pupuslit kung makakapuslit,” ayon kay Malabon City Mayor Toby Tiangco.

Sinabi naman ni Pasig City Mayor Vico Sotto, “hindi naman po ibig sabihin nun at any given time ay 100 percent cleared po ‘yun.”

Ayon kay DILG Undersecretary Epimaco Densing sa ngayon ay tinatapos pa nila ang validation report. At pagkatapos nito ay saka pa lamang matutukoy kung may mga Alkalde na posibleng masuspinde kapag napatunayang nagpabaya sa utos ng Pangulo.

Nilinaw rin ng DILG na sila ang magbibigay ng grado sa mga Mayor at hindi kikilalanin ang mga nagsasabing 100 percent na ang kanilang compliance.

 “It was a self assesment made by officials themselves but these are not assesment made independently a third party,” ani DILG Usec. Epimaco Densing.

Kabilang sa mga tinitignan ng DILG sa validation ay kung natanggal na ba ang mga obstruction sa bangketa at kalsada.

Inaalam rin ng mga ito kung nagkaroon ng pag amyenda at review sa mga city ordinance, pati na ang maayos na paglilipat ng mga vendors at pagrehabilitate sa mga nabawing kalsada.

Inaasahang isasapubliko ng DILG ang resulta ng validation sa susunod na linggo.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , ,