Memorandum Order No.32 ni Pangulong Duterte, hindi puntirya ang oposisyon – Malacañang

by Radyo La Verdad | November 27, 2018 (Tuesday) | 6635

Memorandum Order No.32 ni Pangulong Duterte, hindi puntirya ang oposisyon – Malacañang

Walang kinalaman sa nalalapit na eleksyon ang Memorandum Order No. 32 na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ito ang sagot ng Malacañang kaugnay sa pagkwestyon ni Bayan Muna chairman at senatorial candidate Neri Colmenares sa tyempo na pagpapalabas ng Pangulo ng naturang kautasan.

Sa ilalim ng Memorandum No. 32, inaatasan ng Pangulo ang liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na dagdagan ang pwersa ng militar sa mga lalawigan ng Samar, Bicol at Negros Island dahil sa umano’y paglaganap ng lawless violence.

Sa naunang pahayag ni Colmenares, nakapagtataka aniya ang biglaang pag-uutos nito ni Pangulong Duterte ilang buwan bago ang eleksyon, gayong sa nakalipas na dalawang taon ay marami na aniyang naitalang mga kaso ng pagpatay sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Binalaan ni Colmenares ang Pangulo na huwag gamitin ang kaniyang kapangyarihan laban sa mga kumakandidato mula sa oposisyon.

Pero ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi target ng Memo Order 32 ang oposisyon, taliwas sa akusasyon ni Colmenares.

Dinepensahan rin ng Malacañang ang pormal na pagpapalabas ng order ng Pangulo, gayong maari naman aniyang utusan na lamang ng Pangulo ang AFP gaya ng sinasabi ni Senator Panfilo Lacson.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,