Mega shabu laboratory, natuklasan ng mga otoridad sa Arayat, Pampanga

by Radyo La Verdad | September 22, 2016 (Thursday) | 2035

joshua1
Hindi inaakala ng mga otoridad na may madidiskubre silang malaking pagawaan ng shabu dito sa liblib na lugar sa bayan ng Arayat, Pampanga.

Pasado alas otso kaninang umaga nang salakayin ng Philippine National Police at mga kinatawan ng lokal na pamahalaan ng arayat nasabing laboratoryo na itinuturing na pinakamalaki sa Central Luzon.

Ayon sa PNP, mag-iinspeksiyon lang sana sila sa mga piggery dito sa Barangay Laquios ngunit napansin nila ang mga kahina-hinalang Chinese national sa isang malaki ngunit bakanteng warehouse.

Kinatok umano nila ang gate nito ngunit ayaw silang pagbuksan ng mga tao sa loob.

Nang sirain nila ang gate ay nag-takbuhan umano ang Chinese national at mabilis na tumakas.

Nang siyasatin ang loob ng warehouse ay nakita nila ang malalaking makina na hinihinalang ginagamit sa paggawa ng shabu.

Ayon sa PDEA, kayang mag-produce ng halos kalahating tonelada ng shabu sa isang araw ang nakitang malalaking makina na may kasama pang dalawang malaking generator.

May nakita ring gamit sa bahay sa loob ng compound kung saan umano natutulog ang mga suspek.

Ayon kay Mayor Bon Alejandrino, isang nagngangalang sonny ang kanya mismong nakausap at humihingi ng permit para magtayo ng piggery sa lugar.

Chinese national umano ang mga amo ni Sonny ngunit hindi nito pinangalanan.

Ayon sa alkalde, mandato ng pampanga government na inspeksyunin muna ang pagtatayuan ng piggery bago payagan ang permit ngunit hindi nila akalaing shabu laboratory pala ang kanilang matatagpuan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang inventory at imbestigasyon ng mga otoridad sa nakumpiskang kagamitan sa umano’y mega shabu lab.

(Joshua Antonio / UNTV Correspondent)

Tags: , ,