Masusing konsultasyon sa pagbalangkas ng code of conduct sa West Phl Sea, isasagawa sa 31st ASEAN Summit – Sec. Cayetano

by Radyo La Verdad | November 13, 2017 (Monday) | 1325

Bilang paghahanda sa 31st Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit, isinagawa kahapon ang pagpupulong ng ASEAN Political-Security Council na pinangunahan ni Department of Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.

Dinaluhan ito ng foreign ministers ng 10-ASEAN member states. Pangunahing layon nito na talakayin at resolbahin ang mga isyu tungkol sa seguridad at kapayapaan sa rehiyon.

Ayon kay Secretary Cayetano, inaasahang matatalakay ngayong araw ng ASEAN leaders ang tungkol sa pagbalangkas ng code of conduct sa West Philippine Sea.

Inaasahan rin na i-aadopt ng ASEAN at China ang deklarasyon na may kaugnayan sa pangangalaga ng maritime environment sa West Philippine Sea. Sa pamamagitan nito ay magbibigay-daan upang mapalakas ang maritime cooperation sa rehiyon.

Samantala, sa 15th Asean Economic Community Council Meeting na pinangunahan ni Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez.

Muling binigyang-diin niya ang kahalagahan na mapalakas ang sektor ng mga maliliit na negosyo sa bansa. Kaugnay nito, lumagda ang ASEAN, Hongkong at China sa isang free trade agreement.

Ayon kay Secretary Lopez, magbibigay-daan ito upang mabuksan ang oportunidad para sa ASEAN members state para sa mas malawak na merkado ng mga produkto at mapanatili ang foreign direct investments. Magbubukas din ito ng trabaho para sa ASEAN countries.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,