Martial law survivor, ginunita ang mga pang-aabusong naranasan sa panahon ng diktadurang Marcos

by Radyo La Verdad | September 22, 2017 (Friday) | 5999

Siya si tatay Levi dela Cruz, dating manunulat ng dula at isang aktibista na isang martial law survivor, nakatatak na raw sa kaniyang puso matinding torture na kaniyang pinagdaanan sa panahon ng batas militar.

Naranasan niya ang kuryentihin, buhusan ng tubig, bugbugin at pasuin ng sigarilyo ng mga sundalo ni Marcos upang piliting ihayag ang pangalan ng iba pa niyang mga kasamahang aktibista.

Sa kaniyang edad na 75, nananatili siyang aktibo sa pagsasalita upang maiwasang maulit ang aniya’y madilim na bahagi na iyon ng kasaysayan ng Pilipinas.

 Kahapon ang ika-45 taong paggunita sa deklarasyon ng batas militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Libo-libong mga Pilipino ang dumanas ng pang-aabuso sa karapatang pantao gaya ng torture at di makatarungang pagkadetene. Bukod pa ito sa maraming napaslang mula taong 1972 hanggang 1981.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang Proclamation Number 319 ang nagsalarawan ng batas militar bilang panahon ng pag-abuso sa karapatang pantao, arbitrary state intervention, katiwalian at pagsasawalang bahala sa kalayaan ng mga sibilyan.

Ayaw ni Mang Levi mangyari sa henerasyong ito ang sinapit niya noong dekada setenta kaya hindi aniya siya nagsasawang ikwento ang mga naranasan niyang kalupitan sa ilalim ng batas-militar.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,