METRO MANILA – Marami sa mga Pilipino ngayon ang nagdadalawang-isip o ayaw talagang mag-anak dahil sa hirap ng buhay, bunsod ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin at mababang sahod.
Ayon sa Commission on Population (POPCOM), ang pagiging responsable ng Pinoy sa pagkakaroon ng anak ay nagresulta sa mababang fertility rate sa bansa o bilang ng mga nanganganak na mga kababaihan habang sila ay may kakayanan pang magbuntis
Base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 1.9% ang fertility rate sa bansa ngayong taon kumpara sa 2.7% noong 2017.
Ang mababang fertility rate ay nagkaroon naman umano ng mabuting epekto sa mga Pilipino.
Mas maraming pamilya umano ang nakakaipon ng pera para sa kanilang kalusugan, pag-aaral ng mga anak, at masapatan ang iba pang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Malaki rin ang ibinaba sa bilang ng teenage pregnancy o maagang pagbubuntis.
Mula sa 13.7% noong 2013, bumaba ito sa 6.8% ngayong taon
Isa sa dahilan nito ay ang pandemya kung saan nagkakaroon ng kaalaman ang mga kabataan sa kanilang responsibilidad kapag magkakaroon ng anak o pamilya.
Napilitan ding manatili sa loob ng tanahan ang mga kabataan dahil sa mga ipinatutupad ng restrictions. Pero sa kabila nito, marami parin ang bilang ng mga maaagang nabubuntis sa mga rural at remote areas.
(Lalaine Moreno | UNTV News)
Tags: POPCOM