Malubhang estado ng Edukasyon sa mga kabataan sa cultural minority, dapat na matugunan ayon sa isang senador

by Radyo La Verdad | December 21, 2015 (Monday) | 5360

marcos
Iginigiit ng isang senador na dapat nang matugunan ang malubhang estado ng edukasyon ng mga kabataan sa cultural minority.
Ayon sa naging pagaaral, siyam sa sampung bata sa cultural minority ay hindi nakakapag-aral.

Sinabi ni Senator Ferdinand Marcos Jr.na dapat pagtuunan ng pansin nang susunod na administrasyon ang problema na ito.

Ang mga indigenous people na nakatira sa malalayong komunidad, mga bundok na kung saan walang eskwelahan ay nahihirapang pumasok sa eskwelahan dahil kailangan nilang maglakad ng ilang oras para lamang marating ang pinakamalapit na eskwelahan.

Saad ng senador, bukod sa aspeto ng distansya, ang mga paaralan sa mga malalayong lugar ay nagiging biktima rin ng pag-atake at pag-aaway ng mga pwersa ng gobyerno, mga rebelde at masasamang loob na nagiging dahilan rin kung kaya nawawalan ng karapatan ang mga kabataan na makapag-aral.

Dagdag ni Marcos,isa sa mga maituturing na solusyon sa problema ng basic education sa cultural minority ay ang ALS o Alternative Learning System.

Gayundin ay binanggit ng senador ang Instructional Management by Parents, Communities and Teachers (IMPACT) na kung saan ang mga bata sa malalayong lugar sa Pilipinas ay nagkakaroon ng pagkakataon na makapag-aral sa labas ng silid-aralan sa pamamagitan ng tulung-tulong ng pagtuturo ng mga magulang, mga lider ng komunidad at mga batang nasa grade six na na nakapag-aral sa eskwelahan.

(Meryll Lopez / UNTV Radio Reporter)

Tags: , , , , , ,