Malacañang, umamin na hindi pa ganap na natupad ang mga pangako ng Pangulo sa taumbayan

by dennis | July 27, 2015 (Monday) | 851
File photo

File photo

Aminado ang Malacañang na hindi pa ganap na natutupad ng administrasyong Aquino ang mga pangako nitong programa sa sambayanang Pilipino.

Ito ang tugon ng Malacañang sa tanong na kung natupad ba ng pamahalaang Aquino ang karamihan sa kaniyang mga naipangako.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., dapat na lang aniya isaisip ng mga Pilipino na mayroon pang isang taong nalalabi si Pangulong Aquino para maipagpatuloy ang reporma sa bansa.

Ayon pa kay Coloma, sinisikap naman aniya ng Pangulo na maipaunawa sa taumbayan ang mga programa ng pamahalaan.

Naniniwala aniya ang Pangulo na kapag naunawaan ng mga Pilipino ang naturang mga programa ay higit itong lalahok sa pagpapabuti ng kalagayan ng kani-kaniyang komunidad.

Mahalaga rin aniya ang partisipasyon ng mga Pilipino dahil hindi naman kaya ng pamahaalaan na mag-isa para mapabuti ang kalagayan ng bansa.(Jerico Albano/UNTV Radio)