Higit isang buwan na ang nakakalipas mula nang humiling ng arrest warrant at hold departure order ang Justice Department sa Branch 148 ng Makati Regional Trial Court Laban kay Senador Antonio Trillanes IV.
Ito ay matapos maglabas ng proklamasyon ang Pangulo nitong ika-4 ng Setyembre na nagpapawalang-bisa sa amnestiyang iginawad sa mambabatas. Ngunit hanggang sa ngayon ay wala pa ring inilalabas na desisyon ang korte.
Matatandaang nitong ika-5 ng Oktubre o halos dalawang linggo na rin ang lumipas mula nang magdaos ng clarificatory hearing si Judge Andres Soriano upang bigyan ng pagkakataon ang DOJ at si Trillanes na magpresenta ng kani-kanilang ebidensya at testigo.
Matapos makausap kanina si Judge Soriano, sinabi ni Makati Police Chief Senior Superintendent Rogelio Simon na bagaman wala pa ring desisyon ang huwes, ay nasa huling bahagi na ito ng kaniyang trabaho para malaman kung dapat nga bang ipaaresto si Trillanes.
Malinaw din umano itong indikasyon na prayoridad ng hukom ang kaso ni Trillanes dahil lumiban pa ito sa isang judges’ forum para maresolba ang mosyon. Nilinaw din umano ng huwes na tatawag ito sa mga otoridad 2 hanggang 3 oras bago siya maglabas ng desisyon.
Ayon kay Senior Superintendent Simon, posibleng hindi pa maglabas ng resolusyon si Judge Soriano ngayong linggo.
Una nang sinabi ni Magdalo Representative Gary Alejano na matindi ang pressure sa huwes upang paboran ang pag-aresto at pagbuhay sa kasong kudeta ni Trillanes, bagay na mariin namang itinanggi ng DOJ.
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )
Tags: DOJ