Makasaysayang 1st Olympic Gold Medal ng PH, nasungkit ni Hidilyn Diaz

by Erika Endraca | July 27, 2021 (Tuesday) | 3219
Photo Courtesy: Philippine Sports Commission

Tokyo, Japan – Labis na ikinagalak ng ating mga kababayan ang pagkapanalo ni hidilyn diaz ng unang olympic gold para sa ating bansa sa sports na weightlifting.

Record-breaking ang kabuoang 224 kilograms na kanyang binuhat sa 55-kg womens weightlifting sa Tokyo 2020 olympics sa Japan.

Tinalo ni Hidilyn si Liao Qiuyun ng china na nakakuha ng silver at Zulfiya Chinshanlo ng kazakhstan na nakakuha naman ng bronze.

Sa unang attempt, 119 kilogram ang binuhat ni Hidilyn at 124 kilogram naman sa second attempt.

Sa kanyang final attempt, 127 kilograms ang kanyang matagumpay na nabuhat.

Una nang nakakuha ng olympic medal si hidilyn noong 2016 rio games nang makapag-uwi sya ng silver medal.

Proud naman maging pinoy si Hidilyn

Ayon sa kanya, akala niya ay imposible nang matuloy ang olympics dahil sa pandemic, kaya hindi aniya tayo dapat sumuko sa kahit na anong hamon at pagsubok at manalangin tayo sa Panginoon

Umani ng libo-libong pagbati sa social media ang kanyang naging tagumpay para sa ating bansa.

Bagama’t hindi napanood ng live ng ating mga kababayan dito sa Tokyo ang laban na dahil sa umiiral na restriction, masaya nilang ipinaabot ang kanilang pagsasaya.

Nagpaabot din ng pagbati ang malacanang kay hidilyn dahil sa karangalang dala nito sa Pilipinas.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, proud ang lahat ng mga Pilipino sa kanya.

Binati din ng Department of National Defense at AFP si Hidilyn sa tagumpay nito.

Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana, ang pagiging masigasig, pagpupursige at dedikasyon ni Philippine Airforce Sgt. Hidilyn Diaz ay nagbigay ng panibagong inspirasyon sa mga sundalo.

Inaasahan namang makatatanggap ng P33M na halaga ng incentives si Hidilyn mula sa Philippine Sports Commission at Business Tycoons dahil sa historic olympic gold.

Tubong Zamboanga ang 30-taong gulang na si Hidilyn at pumasok sa Philippine Airforce noong 2013.

Siya ay aktibong miyembro ng paf at nakatalaga sa PAF Civil Military Operations Group.

Hindi rin biro ang pinagdaan nitong mga hamon.

May 2019 ng ikagulat nitong maisama ang kaniyang pangalan sa umano’y Oust-Duterte Matrix na inilabas ng palasyo na itinanggi ng prominenteng manlalaro.

Samantalang noong June 2019 naman, umapela ito ng tulong pinansyal mula sa mga pribadong kumpanya para sa paghahanda niya sa 2020 Tokyo Olympics.

Sa nakalipas na 1 taon at kalahati, sa Malaysia ito nagsanay dahil sa COVID-19 restrictions.

(Danny Ticzon | UNTV News)

Tags: , , ,