Main pipeline ng Maynilad sa Las Piñas City, nasira matapos bumigay ang blowoff valve

by Radyo La Verdad | March 5, 2018 (Monday) | 3421

Nagmistulang malaking fountain sa tabi ng kalsada ang nasirang main pipeline na ito ng Maynilad sa Coastal Road, Las Piñas City kaninang umaga. Pasado alas sais ng madaling araw ng biglang sumirit ang tubig sa nasirang tubo.

Ayon  kay Maynilad Head of Corporate Communications Jennifer Rufo, bumigay ang blowoff valve sa kanilang 1.4 meter primary line dahil sa lakas ng water pressure.

Pasado alas diyes ng umaga ng maisara ng Maynilad ang pagtagas ng tubig sa nasirang pipeline ngunit patuloy ang kanilang isinasagawang excavation upang mahanap at kumpunuhin ang nasirang tubo.

Aabot naman sa dalawang daang libong Maynilad consumers ang naapektuhan ng insidente.

Kabilang na rito ang ilang bahagi ng Las Pinas, Cavite City, Bacoor City, Imus City Rosario, Kawit, at Noveleta. Ang ilang residente kanya-kanya ng diskarte upang makaipon ng tubig.

Tinatayang maibabalik sa normal ang suplay ng tubig hanggang ala una ng madaling araw.

Ayon sa Maynilad, nagpalabas na sila ng 44 na water tankers upang suplayan ng tubig ang mga naapektuhang consumers.

Sa mga nais mag-request ng water tanker, maaaring tumawag sa hotline ng Maynilad na 1626.

 

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

Tags: , ,