Mahigit 30,000 family food packs and 400 sako ng bigas, naipadala na sa Region 2 – DSWD

by Radyo La Verdad | September 13, 2018 (Thursday) | 2324

Maagang ipinadala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga probinsya sa northern part ng Luzon na posibleng maapektuhan ng Bagyong Ompong ang mga tulong para sa mga ito.

Sa Region 2 Field Office, nakaposisyon na ang tinatayang 31, 500 family food packs at 420 na sako ng bigas mula sa kagawaran; gayundin ang 1,000 family kits, 1,000 hygiene kits at 1,000 sleeping kits.

Ayon kay DSWD Usec. Hope Herevilla, sinasamantala nila na maayos pa ang panahon at walang makakaabala sa mga daan tulad ng landslide at baha upang maibiyahe ang mga ito.

Nagpadala na rin ang DSWD ng dagdag na tauhan sa Batanes upang mag-monitor ng kalagayan at pangangailangan ng ating mga kababayan doon.

Bukod sa Northern Luzon na tinatayang posibleng pinaka-maapektuhan ng Bagyong Ompong, mayroon ding apat na raang libong family food packs na naka-preproposition sa iba’t-ibang panig ng bansa.

May 1.7 bilyong piso na quick response fund din ang DSWD para sa karagdagang pangangailangan ng mga masasalanta ng bagyo.

Tuloy-tuloy naman ang pagre-repack sa family food packs sa warehouse sa Pasay City at kung may mga nais mag-volunteer makipag-ugnayan lamang sa pamamagitan ng kanilang hotline number na 0918-912-2813.

Tiniyak ng DSWD na may sapat silang supply ng relief packs, hygiene at food kits sa mga posibleng maapektuhan ng Bagyong Ompong.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,